Cul de Sac

Friday, July 24, 2009 | 0 Comments


Duguan ang mga kamay ni Marian, habang tangan-tangan niya sa nanginginig niyang kanang kamay ang blade. agos ang dugo hanggang hita niya sa pagkakatayo sa tabi ng bintana. Noo’y sumisilay na ang sikat ng pang-umagang araw sa bahagyang nahawing kurtina, liwanag na bahagyang naglalagos sa loob ng kwartong nangangamoy tamod at dura, alak at usok sa maalinsangang buga ng maingay na aircondition.


Tanaw mula sa bintana ang magarang hardin na noo’y nagsisimula nang mamukadkad ang mga bulaklak sa pagkakadilig ng pang-umagang hamog habang sumasayaw sa pagpailanlang ang mga paru-parong umaaligid dito. Ngunit hindi ito alintana ni Marian, sa kanyang blangkong silip-titig sa bintana. Wala siya sa kanyang sarili, wala sa kanyang kinaroroonan—pumapailanlang kung saang sulok ng kahindutan ang gula-gulanit niyang isipan sa kanyang punit-punit na kaanyuan.


Nakaparada ang isang magarang sasakyan, kulay pula sa garahe—makintab at mamahalin. Matataas ang bakod na pader at ginagapangan ng halaman, malalabay ang mga punong kahoy na siyang lumulunod sa sa kabuuan ng marangyang paligid. Tahimik ang ga-higanteng pintong kahoy na mistulang pintuan ng isang kaharian sa kapal ng sinturong bakal nito at sa kanyang matayog na tindig.


Tumulo ang luha niya, ngunit sa isang mata lamang—suminghot at kumurap, ngumisi sabay kinuyom ang mga palad na may tangan na blade. Hindi ang hapdi ng hiwa ng blade sa palad niya ang pwedeng magpa pukaw sa lasug-lasog na kamalayan ng babae, sa katunayan umagos ang dugo galing sa palad niya ngunit walang ingay na narinig kundi ang lagutok ng nabali at natiklop na matalas na pang-ahit.


Humakbang ang hubot-hubad at tulalang babae paatras, may kung ano siyang naapakan, bagay na nagkanulo sa kanyang panimbang. Napahawak sa salamin ng bintana ang nagbukas niyang mga palad at naging daan upang mabitawan niya ang blade. Nagkulapol ang dugo sa salamin—bakas ng dugo sa kamay ni Marian. At tuluyan na siyang nabuwal…


###


Walang kibo ang lalaking kanina pa may balot ng supot sa ulo sa kanyang pagkakayukayok sa kanyang inuupuan. Bakas ang pagsisisikap niyang makahinga ng maayos sa tila tumitibok na anyo ng itim na plastik na supot sa kanyang ulo at mukha. Nakagapos ang mga kamay sa likuran at sandalan ng upuan. Ang damit niyang basang-basa ng naghalong dugo at pawis ay kinababakasan ng mga maruruming kamay na humawak dito.


Marumi ang paligid ng abandonadong kamalig, kalat ang tae ng pusa at aso sa paligid. Nagtambak ang mga kahoy at ilang tipak ng semento at bato sa buto’t balat na kaanyuan ng sira-sirang kamalig na noo’y natatanglawan lamang ng isang gasera--sapat upang magbigay aninag sa dilim. Hindi na kailangan pang liwanagan ang paligid upang maramdaman at Makita ang kaganapan dito


Sa labas lamang ng kamalig ay naroon ang tatlong unipormadong kalalakihan, mahahabang bakal ang tangan nito sa pilit isinisiksik na mga kamiseta sa mga bundat nilang tiyan. Nag-iinuman sa harap ng liyab ng apoy sa isang drum. Subalit kakaiba ang inumang ito dahilan sa tahimik na tumutungga ang tatlo, waring lagok lamang ng masangsang na alak ang naririnig sabay ng pitik ng kahoy na gatong na unti-unting nilalamon ng apoy.

Tinginan, pakiramdaman…


Hanggang sa ilang saglit pa naulinigan na ang isang paparating na sasakyan, sa tahimik na paligid, madaling malaman kung may paparating lalo na kung sasakyan sa liblib na sulok na ito. Tahimik pa rin ang anino ng lalaking may supot sa ulo sa loob ng gula-gulanit na kamalig, ngunit bakas ang mabilis na paghinga nito—waring may inaasahang mangyayari. Waring kinakabahan.


Pumarada ang kotseng magara—kulay pula.

“magandang gabi po ser…”

Walang kibo na iniabot lang ng lalaking galing sa pulang kotse ang kamay niya, bumaba rin ang dalawa pa niyang kasama mula sa kotse. Nagsindi ng sigarilyo at lumakad ng bahagya palayo ng sasakyan.


“kamusta na?”

“nasa loob po siya ser…ano ba ang balak natin?”

Tumatagaktak lalo ang pawis ng lalaking may supot sa ulo, hindi dahil sa alinsangan ng paligid kundi marahil sa alinsangan ng isiping may kung sinong nilalang ang naroon ngayon sa labas hatid ng isang sasakyang pumarada. Nagbibigay kabuuan sa kapirasong pangyayari ng nakalipas na ilang oras ng pagpapahirap sa kanya. Nag-uudyok ng lalong kawalang katiyakang kaganapan na di alam kung saan hahantong.


Panganib ang dulot ng hanging maalinsangan, lalong nakapagpapasikip ng dibdib ang madalas na kaba, para bang nais nang kumawala ng puso sa tindi ng pagtibok nito, at ang mga mata na walang maaninag kundi ang kadilimang dulot ng plastik na itim na supot. Maging ang mga pantog na may ilang oras na ding puno at gusto nang maihi ay sumasabay sa hapdi ng pangyayari. Ang mga tuhod na hindi na kayang itayo dahil sa panginginig ay nagsimula nang magparamdam ng pangangatal.


“ayan siya ser…”

“matigas din e, pero medya-medya pa lang yan—nagkakatuwaan pa lang kami”

Alam ng lalaking may supot sa ulo ang kalagayan niya. Hindi ito tuminag kahit kaunti, nakayuko…nakikiramdam sa sasabihin ng di kilalang anino sa dilim ng supot na itim.

Nakatitig lang sa kanya ang bagong dating. Walang gustong sabihin. Walang gustong gawin.

Tumunog ang telepono sa bulsa ng lalaking may hawak ng hatol. Wala sa isip na dinukot ito.


“hello…anak ng put…”

isinara agad ang telepono.

Nagkamali…

Naaulinigan ng lalaking may supot sa ulo ang tinig, nabosesan. Ang kanina pa walang kibo sa pagkakayuko ay tila nagulat at napaangat ang ulo. Bagay na kinaalarma ng lalaking may hawak na mamahaling telepono.


“putang-ina! Patayin nyo na yan, nabasyo ako! Nakilala na ako e!”

Tuloy –tuloy sa sasakyan ang lalaki, walang lingon-likod, pumasok na din ang dalawang kasama nito na kanina pa naghihintay sa labas ng kotse. Gumuhit ang arangkada nito sa maalikabok at tuyong palayan.

Tatlong putok ang narinig sa dumidilim nang gabi, hinipan na ang gasera sa kamalig.


###


Naka talungko si Marian sa sulok ng kwarto, hawak-hawak ang tuhod. Anim na buwan na mula ng ikasal siya sa kay Mark, nagsosolong anak ng isang mayamang pulitiko sa Santa Monica, pero ang nasa isip pa rin niya ay si Ren. Humuhuni pa rin hanggang ngayon sa gunita niya ang huling pag-uusap nila.


“alas-Otso ng gabi bukas, kasi alas otso y medya yung last trip ng bus e. Basta wag ka na magdala ng maraming damit para di ka mahalata.”

Hindi na muling nakita ni Marian si Ren mula nang huli nilang pag-uusap na iyon, may mga nakasaksi nang may pumaradang isang owner-type jeep sa isang tindahan malapit sa istasyon ng bus. Bumaba daw ang tatlong lalaking unipormado, nagpaputok sa itaas at ipinasok ang isang lalaki na may dala-dalang bag sa Jeep at pinasibad ng mabilis ito. Ito na lamang ang balitang iabutan ni Marian sa mga nakasaksi ng makarating siya sa istasyon limang minuto bago mag alas-otso ng gabi.


Limang minuto bago mag alas-otso ng umaga ngayon, nakaharap si Marian sa tatlong lalaking nakahandusay sa sahig ng kanilang kwarto. Pawang mga hubo’t-hubad ito—si Jeff, si Miggy at si Mark. Si Mark ang kanyang asawa. Ang nagmamay-ari ngayon ng kanyang pagkatao, ng kanyang kabuuan, ng kanyang puke, ng kanyang suso, ng kanyang mga halik, ng magarang kotseng pula na nakaparada sa labas, ng mansyong tinitirhan niya ngayon—ngunit hindi ng kanyang kaluluwa.


Galante sa kaibigan si Mark, hindi lang cocaine at heroin ang pinagsasaluhan nilang tatlong magkakaibigan, matapos nilang hati-hatiin ng blade ang puting pulbo sa lamesang salamin at nagsimula nang sumipa ang epekto nito, madalas si Marian naman ang pagsasaluhan nila.


Kinakantot ng tatlong lalaki si Marian halos gabi-gabi, minsan sabay sa puke at sa puwet habang pilit namang sinusubo ng isa ang kanyang titi sa nakahandusay na babae. At upang malubos ang kasiyahan ng tatlo, sabay-sabay itong nagpapalabas ng mga tamod nila sa mukha niya—kasabay din ng pag-agos ng luha niya sa impit na pag gibik.


Kung may lakas pa ay isasayaw siya nito, paluluhurin, patutuwarin, kakalikutin at magpapasok ng kung anu-anong bagay sa puwet at puke niya, habang nakatutok ang camera sa ibabaw ng tripod, kumikindat-kindat ang isang maliit at ga-tuldok na kulay pulang ilaw nito.


###


Pinatay ni Marian ang ilaw ng kwarto, naiwang nakabukas kasi ito. Bagsak sa lapag ang mga maginoong humindot sa kanya ng buong magdamag—pagod, lasing at lango. Dinampot niya ang blade sa lamesa, may bahid pa ito ng puting pulbo. Isa-isa niyang nilapitan ang tatlong demonyo na ilang panahon na ring ngumangatngat sa pagkatao niya. Ilang panahon na ring bumababoy sa sa pagkababae nya.


Isang mariing hiwa sa pulso, pumulandit ang mapulang dugo sa braso ni Miggy, napaangat ng ulo ito, ngumiti—parang walang naramdaman sa kanyang mapungay at nanunuyang mga mestisuhing mata. Sumunod si Jeff. Wala lang, inagusan ng dugo mula sa pulso habang hawak-hawak pa nito ang basyo ng bote ng beer. subalit parang wala ring naramdaman ito—mabisa talaga ang droga hindi lang pampamanhid ng utak, kundi maging ng pisikal na katauhan.


Si Mark, ang pinakamamahal niyang asawang si Mark. Nanginginig na ang kamay ni Marian, sa liit ng blade at sa pagmamadali niyang ihiwa ito sa pulso ng asawa, maging ang mga daliri niya ay nahiwa na rin. Pero hindi ito ininda ng babae, sa bawat baon niya ng talim ay may kaukulang hiwa din na bumabalik sa kanyang mga daliri. Pumulandit na ng tuluyan ang mga dugo at umagos sa carpet. Hilo si Mark at ang barkada nya sa magkahalong alak at droga. Ineksyon, singhot at tungga may pulutang hilaw na karne ang magdamag na iyon.


Umiikot ang paligid, umaalingawngaw ang mga boses sa kalawakan…

bumibilis ang tsubibo…

umaalon ang dagat at lumalakas ang ulan…

kumikidlat sa isipan ang mga ala-ala… Kidlat ng tatlong putok nagmula sa dulo ng baril…

nawasak ang itim na plastic na supot sa ulo ni Ren…

dugo mula sa punit na laman ng kanyang pagkababae…

tilamsik ng tamod sa mukha…

patay-sinding ilaw…

Cul de Sac ng buhay sa parisukat na daigdig…






 

6:23 ng umaga…

Mainit na ang sikat ng araw sa labas pero ang kwarto ni Jay ay madilim pa. Hindi dahil tulog pa siya, sa katunayan, kanina…o kagabi pa siya nakaupo sa maliit at gula-gulanit na sofa sa tabi ng kama. Ang kama niya, ni hindi man lang nagusot, kasi dati na itong gusot-gusot ng may ilang araw na ding hindi man lang tinitiklop ang kumot at iniimis ang mga unan na luwa na ang bituka sa pagkaka tiwangwang nito.

 

Upos ng sigarilyo sa nag-uumapaw na ashtray, kukurap-kurap na bumbilya sa maliit na lampshade. Ang kwarto ni Jay ay mistulang kisap-mata ng dilaw at dilim, dilim at dilaw dahil sa kulay dilaw na bumbilya at dilim ng paligid. Sarado ang bintana, may dagdag na pinid ngunit tuklap na at nakadikit na tagpi-tagping karton na sadyang inilagay para di makasilip ang araw.

 

Tanggal na din sa pagkakadikit ang isang kanto ng poster ni John Lennon, may lumang LP player sa kanto malapit sa alanganing tukador, alanganing aparador. May nga sketches ng kung anong halimaw sa itim na tinta. May mga painting na hindi tapos sa gilid ng kama at  kinuyumos na papel sa sahig. Lapis, tinta, oil paint, brotsa, acrylic…nagkalat.

 

Panaka-nakang sumisilip ang ipis sa sahig na kahoy, marahil upang pagsinuhin at alamin kung gumagalaw pa ba ang nakaupo kagabi pa sa sofa, at kung bahagyang gumalaw man—kakaripas naman ng gapang ang natatanging insektong pwedeng mabuhay sa pagsabog-nukleyar. Maging ang mga lamok ay mistulang butete na sa kabundatan, gugulong-gulong na lamang ito sa sahig at inienjoy ang kapal ng alikabok dahil din sa di na  makayang dalhin ng kanilang mga pakpak ang kanilang kabigatan at kabusugan.

 

Nakatunganga sa dahan-dahang pag-ikot ng elisi ang bentilador sa kalahating ubos na emperador, di naman masasabing pinalalamig niya ang mainit na alak, kasi nga uugod-ugod ang ikot nito—siguro sa kapal ng nakakulapol na alikabok dito kayat mistula itong naghihingalo sa pag-ikot. Ang bote naman ng emperador, walang pakialam--isnabebro siyang naka upo lamang sa maliit na lamesita, di man lang natinag kahit na ang kalaguyo niyang baso ay matatagpuan nang patay at basag sa paanan niya. Siguro nga’y yumabang sa siya, dangan ba namang siya ang huling nakaulayaw ng amo niyang kagabi pa tulala.

 

8:20 ng umaga…

Halos magdadalawang oras nang paulit-ulit ang snooze ng alarm clock, paos na ito, lawit ang dila bago mahampas at tuluyang manahimik. Tumayo si Jay—huminga ng malalim, suminga sa kanan niya, pinahid ng t-shirt sa balikat and sipon na kumalat sa pisngi niyang may mahaba-haba na ring balbas. Lawlaw ang butas na Levis sa kulay itim na t-shirt—ang laki na ng ipinayat niya. Kaya pala ubod ng yabang ang bote ng emperador,  ito kasi ang unang dinampot ni Jay pagtayo, hinaplit niya ang leeg nito na parang humahaplit sa isang puta na buong libog siilin ng halik at maangkin ang kaasiman nito. Tinungga niya ito habang gigiray-giray pang humakbang papunta sa banyo, inilapag sa lamesita. Di nga lang sigurado kung ang naghalong sipon na tumawid sa bibig niya kaninang suminga siya at ang emperador ang siyang almusal niya ng umagang iyon.

 

Sa banyo…

Ang banyo ang kaibigan ng mga lasing at may hang-over, kung paanong kaulayaw ng mga inaantok at pagod ang kumot at unan—inidoro naman ang para sa mga masuka-sukang lasenggo. Ebidensya ang mga naglalambiting malapot na likido sa bunganga ng kanina pa nakangangang inidoro. May mga kumpol ng laway ay iilang madilaw na likido. Walang solidong nakikita, walang ebidensya, marahil walang kinain ang sumuka dito, madilaw dahil siguro sa asido ng tiyan at alak na naghalo sa sahig at sa bunganga ng inidoro.

 

Kataka-takang ang lababo lang ang malinis, lababo sa tabi ng banyo na minsang humahalili rin bilang lababong hugasan ng mga pinggan, pero madalas dahil wala namang huhugasang pinggan dahil wala namang makakain sa bahay ni Jay, lababo lamang ito ng may nag-iisang sepilyo na nakasandig sa loob ng isang baso—malinis na baso. Malinis na sepilyo at baso sa gitna ng lababo.

 

***

 

9: 05 ng umaga…

“Oy, Poleng ano ba? Katukin mo yan, aba’y dalawang araw nang di lumalabas yang taong yan a, baka nagpakamatay na yan sa loob”

“ e di mabuti at mabawasan ang perwisyo dito sa paupahan natin, di na nga makabayad sa oras perwisyo pa”

“gaga ka talaga ang inaalala ko yung bata, aba e nakaka kain pa kaya ang anak nya dyan?”

“eto na nga at pinapakinggan ko baka gising na, baka masigawan na naman tayo ng adik na yan kapag binulahaw natin ng katok e”

 

***

 

Nagbubunganga ang telepono ni Jay habang nakatitig siya sa sarili niya sa harap ng salamin sa itaas lang ng gripo ng lababo, nanginginig ang kanang kamay na may tangan-tangang sepilyo. Mahigpit ang pagkakasakal niya sa katawan ng lumang panguskos, sepilyong busalsal at beterano sa brotsahan ng mga ngipin niyang bulok at patlang patlang.

 

Patuloy ang pagtatalak ng telepono…Walang pinapansin ang tenga ni Jay…

“putang-ina mo, pinagtiwalaan kita, akala ko pa naman totoo lahat ng mga sinasabi mo, ni hindi man lang ako nagdalawang isip na pagdudahan ka—alam mo yun?”

 

Nakatitig si Jay ng may buong paghihinanakit sa brotsa…galit at maiyak-iyak. Bumaling sa salamin, sinipat ang bagang na nabubulok, may butas at maitim. Lalong naningkit ang mga mata nito, walang nakaka alam kung dahil sa masangsang na amoy na dulot ng bulok na ngiping may nana o dahil sa sakit nito.

 

“akala mo makukuha mo ang lahat sa kin? Magkakamatayan tayo bago mangyari yun…”

Nakakakulili na ng tenga ang nagger na telepono, at gaya ng alarm clock na nakaranas ng bigwas kani-kanina lang, huli na ng manuot sa sensibilidad ni Jay na may tumutunog palang awditibo ilang hakbang mula sa lababo.

 

Lumuwag ang pagkaka sakal ni Jay sa tutbras, panaka-nakang napapasukan din naman ng sariwang hangin ang nagdidikit-dikit nitong hypothalamus…minsan nga lang.

Kumalabog ang lamesita, gumewang-gewang at nakipagsayawan sa emperador na nakapatong doon nang masagi ni Jay—na dalawang piye pa lamang ang layo mula sa telepono ay inabot na at hinablot ito ng kaliwang kamay—kanan sa sepilyo.

 

Saglit na katahimikan…saglit na nakikinig…

Kung may tunog lang ang unti-unting pagkunot ng noo at ang dahan-dahang pagsasalubong ng kilay ni Jay, malamang tunog ito ng nilalamukos na papel.

“hindi mo pwedeng kunin sa akin ang anak ko!”

“Magkakamatayan tayo!”

 

***

 

 

“Uy Poleng narinig mo yun?”

“ano ba yan? ano bang ginagawa niya sa anak niya, kawawa naman yung bata, papatayin nya daw yung bata!”

“katukin mo na dali!”

“tumawag ka ng pulis, ako na’ng bahala dito sige na!”

“Jay! Jay! Maawa ka sa anak mo, napakabata pa nyan wag mong saktan”

 

Napalakas lalo ang tili ng telepono, pero sa pagkakataong ito sa likuran siya ng pintuan tumili—dito kasi siya bumalandra nang ibalibag ni Jay.

 

Tapos nun, katahimikan na…sa kabilang pinto wala na din ang dalawang matanda…tuluyan na ring natapon ang Emperador sa maalikabok na sahig…si John Lennon ang hero ng working class sa mga awit niya ay malungkot pa ring nakatitig sa kawalan…si Jay, nakaupo sa sulok tangan-tangan ang sepilyo.

...People say I'm crazy doing what I'm doing,
Well they give me all kinds of warnings to save me from ruin,
When I say that I'm o.k. they look at me kind of strange,
Surely your not happy now you no longer play the game...

 

***

“positioning sir, spotting the subject North-East in squatting stance. The subject is armed and dangerous...”

“the wind is in direct contrast, but the spot is clear—ready for the taking...”

“moving towards the window...ready whenever you are...”

 

***


...People say I'm lazy dreaming my life away,
Well they give me all kinds of advice designed to enlighten me,
When I tell that I'm doing Fine watching shadows on the wall,
Don't you miss the big time boy you're no longer on the ball?...

 

***



2:46 ng hapon...

Nagkakagulo ang buong Baranggay, nakatuon ang pansin ng lahat sa ikalawang palapag ng paupahang apartment nina Aling poleng at Mang Nardo. Isang mala-piyestang engrandeng usyusohan ang umaatikabo na dinaluhan ng mga prominenteng sangay ng media at mga unipormadong mamamatay-tao.  Nakatutok ang camera at baril, nakapamewang ang mga opisyal, nakahandang mang-ambush ang mga reporter at nakapikit na ang isang mata ng mga sniper at higit sa lahat naalarma na ang isang batalyon, isang batalyong usyusero at usyusera.

 

***

 

 

“Take the opportunity…”

Walang naalarma pag alingawngaw ng isang putok, isa lang yun sabay basag ng salamin ng bintana. Inakala pa ng maraming nag-uusyoso na galing sa loob ng bahay ang putok, may nagpalakpakan at naghiyawan, may nanghaba ang leeg sa pagsilip kung ano na ang nangyari.

 

Mabilis na kumilos ang mga pulis, akyat agad sila sa isang senyas lang, parang mga langgam na nagkilusan maging ang mga media at mga tao. Kanya-kanya, habang maraming mga mukha ang kababakasan ng pagtataka kung ano na ang kaganapan…

 

Bago pa man buksan ang pinto, may tumatagas nang dugo mula sa siwang nito sa ibaba, Nangnginig ang kamay ni Aling Poleng habang sinususian ang pinto habang nasa likod niya ang isang opisyal ng SWAT team. Itinulak ito ng isang opisyal papaloob, halatang may nakadagan sa kabila, di pa man tuluyang nabubuksan ay lumaylay na ang kamay ni Jay, tangan-tangan pa rin ang isang lumang sepilyo.


...I'm just sitting here watching the wheels go round and round,
I really love to watch them roll,
No longer riding on the merry-go-round,
I just had to let it go...

Watching the Wheels

John Lennon

 

Sementeryo ng mga Buhay

Wednesday, April 15, 2009 | 2 Comments

Nalathala sa FUDGE magazine June-July 2009 issue


Nagmamadali ang mga hakbang ng isang anino mula sa dilim ng gabi. Sa mga gabing nagtatago ang buwan sa kalangitan na tulad nito--sinasamantala ng mga kaluluwang ayaw matulog sa gitna ng nahihimbing na dilim, hindi dahil sa ayaw dalawin ng antok, kundi dahil sa tawag ng matinding pangangailangan.

Sa gitna ng kalunsuran, sa laot ng kaguluhan, sa ingay at maruming usok nito, natatanging ang lugar lamang na ito ang nananatiling tahimik: ang sementeryo. Ngunit sa kasagsagan ng mahimbing na pagtulog ng syudad isang pares ng mga paa sa abuhin at maalikabok nitong paghakbang ay nagmamadaling nagpapasikot-sikot sa bawat nitsong madaanan. Akyat, talon, singit sa mga siwang at hawi sa mga talahib . Sinisiguro ng may-ari ng mga paang ito na wala ni kaluskos man lang siyang malilikha sa pagtahak sa nakabibinging katahimikan sa gitna ng mga nahihimlay nang mga patay.

Kandila lang ang tangan ni Lando, dalawa; sapat na ito upang magbigay liwanag sa kanyang balakin. Saglit muna siyang huminto sa harap ng isang nitso sa sulok ng sementeryo. Nalalambungan ito ng isang malabay na puno kung kaya't ang kakaunting liwanag na nagmumula sa maulap na kalangitan ay hindi makasingit upang sumilay. Tamang-tama para sa kanyang hangarin sa gabing iyon. Saglit na huminga ng malalim ang lalaki, waring umuusal ng dalangin habang itinutulos ang kandilang tangan sa uluhan ng lapida, bagay na nagbigay anino sa ulong nakausli at nakaukit sa gitna ng krus na bato sa unahan ng nitso.

Alam ng lalaki ang dapat niyang gawin, ang kilos niya'y nagpapahiwatig ng kasanayan sa ganitong gawain--walang sinasayang na sandali. Tinungkab niya ang nakausling siwang sa gilid ng maputing nitso, agad na bumigay ang mabuway na bato; kapag daka'y iniluwal nito ang isang butas. Mistulang butas ito ng kabulukan, isang butas na unti unting pinalalaki ng matiyagang pagkutkot patungo sa kailaliman na tanging ang naghuhukay lamang ang may alam kung saan hahantong at kung anong nilalaman sa dulo nito.

***

"Limampiso isa"

"pwede kayang madagdagan ng konti sir? Medyo mahirap kasi nagkakahigpitan ngayon e"

"aba, e kung ayaw mo sa presyo ko sa iba na lang ako lalapit"

"hindi ho sir, sige ako nang bahala-kelan nyo ba kailangan?"

"Sa makalawa sana kailangan na ng buyer ko e, pwede ba?"

"sige sir, may kaunti na rin akong naipon e, isasama ko na iyon-kailangan ko rin kasi manganganak ang misis ko..."

"o, basta ha wag kalimutang gumamit ng agua oxynada, para malinis"

"wala pong problema sir..."

***

May pailan-ilang kaluskos sa paligid, sa mga pagkakataong nakakalikha ng ingay ito, sabay ng tahulan ng mga aso--humihinto si Lando sa pagtutungkab ng nitso. Lumilinga-linga na waring nag-aabang ng may kikilos sa dakong pinanggalingan niya. Alam niyang kakampi niya ang gabi, itatago siya ng ihip ng hangin at maging ang buwan ay nakikisama sa pagtatago nito sa maitim na ulap.

Ilang saglit pa, kasya na ang dalawang kamay niya kung idudukwang sa nalikhang lagusan, hindi na kinakailangang palakihin pa ng husto ang butas. Lampas siko niya ang maliit na lagusan sa kanyang pagkapa sa kung anong nasa loob ng nitso. Waring may mga mata ang kamay na alam kung saan kakapahin ang hinahanap, ilang saglit pa inaayudahan na ng kaliwang kamay ang kanang kamay na siyang gumiya at kumapa sa kanyang dinudukot.

Magkatulong na iniahon ng nakadaop niyang mga palad ang isang bungo. Masangsang ang amoy nito sa iilang bulok na laman na nakadikit dito, maging ang mga lagas na buhok at bakas ng pinagkainan ng mga uod ay mababanaag sa pag-ahon nito mula sa maputing sementadong kahon na kinasasadlakan nito. Inilapag ni Lando ang ulo sa tabi ng nakasinding kandila, noo'y umaagos na ang mga tunaw na luha nito sa ilalim ng sementadong krus. Tanging ang mga rebultong santo at kerubin lamang ang saksi sa gitna ng dilim ng gabi sa panaka-nakang tahulan ng mga aso.

Tagaktak ang pawis ni Lando, sanay na siya sa gawaing ito ngunit sa pagkakataong ito kailangan niya ang pagmamadali, hindi siya gaanong pamilyar sa sikot ng sementeryong ito-hindi niya teritoryo ito. Ang pagtagal sa lugar na ito ang magkakanulo sa kanya sa kapahamakan. Mahigpit ang mga bantay sa sementeryong ito, dangan kasing sila din mismo ang tirador ng mga bungo dito, karibal sa negosyo at malamang sa hindi, makakatabi niya sa iisang kabaong ang nabubulok na kalansay na ito kapag nagkataon.

***

"pass na muna ako pare, medyo di ko na kaya e"

"tang ina ka Lando, kelan ka pa naging uhugin sa inuman? Pangatlong tagay pa lang ito a"

"hindot itong si Lando o, ang aga-aga pa e, takot ka ba sa misis mo?"

"gago! Tanginang ito, manganganak na ang misis ko, e ni pambayad sa Fabella wala pa ako buti sana kung pwedeng ipahugot na lang basta sa albularyo yung anak ko..."

"sige ‘pre, iyo na muna yung isang supot ko, marami-rami din yun ikaw na mag abot kay bossing"

"salamat ‘pre, pero kailangan madagdagan pa e, dyan na muna kayo didiskarte lang ako sa South"

"dre, ingat lang sa mga bugoy ha..."

***

Walang sinayang na sandali si Lando, isa-isa niyang pinitas ang mga ngipin ng bungo sa liwanang ng kandila. Mistulang pumipitas ng mga butil ng mais at masusing sinisipat ito sa liwanag na dulot ng natutunaw na kandila, palinga-linga, kinakabahan. Ang bawat pagpitas ng mga ngipin ay lumilikha ng marahan at malutong na tunog ng tila may kinakagat na isang malutong na pagkain. Kumakapit sa kamay niya ang ilang nalalabing bulok na laman, marahil sa gilagid, o sa dila, o kaya'y sa balat mismo ng nagmamay-ari ng bungo nanggaling. Hindi na kailangang sinuhin kung babae man o lalaki, matanda man o bata ang bungong ito--ang mahalaga, pagkakakitaan ito.

May mga yabag sa likod ng abalang si Lando, marahan at eksakto ang kilos. Ipinagkanulo siya ng kaunting liwanang na dulot ng natutunaw na kandila sa ibabaw ng nitso. Huli na ng malingunan niya ang dalawang aninong papalapit.

"putang-ina ka! Ikaw pala ang nagnanakaw ng mga ngipin ng mga patay dito!"

Sukol si lando, dangan kasing ang pinili niyang pagnakawang nitso ay sa sulok ng sementeryo nakapwesto. Nagtangka siyang tumakbo, ngunit isang matinding bigwas at hambalos ng tubo sa kanyang tuhod ang nagpabagsak sa kanya, tumama ang kanyang ulo sa kanto ng isang nitso-sabay tapon ng isang dakot na ngipin sa kanina lamang ay nakakuyom sa kanyang mga palad.

***

"misis, matagal pa po yan, umuwi muna kayo wala pa pong 3 centimeters ang buka ng sipit-sipitan nyo e"

"hindi ba pwedeng dito na muna ako? Masakit na e di ko na kaya kung uuwi pa ako"

"wala ho kayong pupwestuhan dito, maraming nag-aantay na rin na manganganak, syempre uunahin po natin yung malapit nang manganak-marami ho kayo e."

"hindi ko na ata kaya pa maglakad e."

"asan ba'ng mister nyo? Wala ho ba kayong kasama?"

***

May araw na nang magkamalay si Lando, nakasubasob siya sa damuhan, dama niya ang sakit ng nagdurugong sintido sa pagkakabagok sa nitso, ngunit sadyang hindi niya maikilos ang mga kamay sa pagkakatali nito sa kanyang likuran. Nag-uusap sa di kalayuan ang dalawang lalaki na may sukbit na bilugang baril sa kanyang baywang. Gustuhin man niyang magmakaawa o humingi ng tulong sadyang walang mailabas na tinig ang bibig niyang may busal.

Isang sabunot sa buhok sa batok ang nagpatingala kay Lando sa nakasisilaw na araw ng umagang iyon. Kinaladkad siyang papalapit sa nitsong kani-kanina lamang ay siyang pinanggalingan ng bungo na pinitasan niya ng pang hanap-buhay. Tinatanggal ng isang lalaking payat ang busal niya sa bibig, habang ang isang mamang malaki ang tiyan naman ay nagbunot ng kanyang baril at sabay tutok sa mukha ni Lando.

"sige, kagatin mo ang kanto ng nitso, kagat!"

Nanlaki anag kanyang mga mata, hindi sigurado si lando sa kung anong ibig sabihin ng taong ito na kasalukuyang tumututok ng baril sa kanyang mukha.

Marahil, napansin ng lalaking payat ang pagtataka o pagkagitla sa mukha ni Lando kaya't isang mariing batok ang pinakawalan nito sa kanya.

"tang-ina mo, sabi nang kagat e"

Isunubasob nito ang ulo ni Lando sa kanto ng nitso, hinawakan ang mga panga niya at idinuldol sa kanto ng maputing nitso na noo'y umiinit na dahilan sa sikat ng araw. Nakatutok pa rin sa mukha niya ang baril. Nagsasanib ang dugo, pawis, luha at uhog kay Lando, alam niyang ilang saglit lamang ay kasama na siyang maililibing sa sementeryong ito at pagpipistahan ng mga uod. Nagsasalimbayan ang mga imahe sa utak niya, ang asawa niyang si Melba, ang panganay niyang namatay sa pulmonya sa Ospital ng Maynila, ang mga nag demolish ng bahay nila sa Tondo, ang Warden ng Muntinlupa na naging mabait sa kanya, ang nasaksak niyang Intsik na negosyante.

Umaagos ang laway niya sa katawan ng nitso, sa ilang sandaling pagkakabusangal ng kanyang bibig sa kanto nito. Ngawit man ang kanyang mga panga habang nakatali pa rin sa likod ang mga kamay ay wala siyang panahong magreklamo o indahin ang masakit na posisyong ito, lumilipad ang isip ni Lando sa kalawakan ng pangamba, ng takot at pagdedeliryo.

Halos magdeliryo sa sakit ang babae. Kagat-labi si Melba habang iika-ikang tinatahak ang makipot na daan patungo sa looban, sa mga pagkakataong mas kinakailangan niya ang presensya ng asawa—wala ito. Nanlalamig ang buo niyang katawan kahit tagaktak ang pawis niya…

Tagaktak ang pawis ni Lando, nilalamon ng di matingkalang pangamba ang buong katauhan niya. Nawala ang baril na nakatutok sa mukha niya, nasa likuran lamang niya ang dalawang lalaki, nauulinigan niya paanas na paghakbang ng mga ito sa damuhan, marahan ngunit mabigat. Ayaw niyang lumingon at bumitaw sa pagkaka kagat sa kanto ng nitso-alam niyang ikakagalit nila ito kung gagawin niya.

Ilang mga nagmamadaling trabahador na papasok sa pabrika ang nakakita sa kanyang hirap na kalagayan, ngunit sadyang wala itong panahon tumulong sa isang tulad niya. Isang mariing hilab pa at tuluyan nang bumulwak ang panubigan ni Melba. Napakunyapit siya at napasandal sa poste ng isang saradong pondahan, sa tabi ng basurahang umaapaw ang laman at tampulan ng mga asong-gala sa gabi. Magkahalong tubig at dugo sa kanyang hita. Isang mariin at masakit na hilab…

Isang mariing tadyak sa batok ni Lando ang pinakawalan ng lalaking malaki ang tiyan mula sa likuran. Sargo ang dugo sa tunog ng may nabaling buto, kalat ang mga ngiping putol habang si Lando ay nabuwal na kikisay-kisay at halos mawalan ng malay, duguan ang bibig.

Duguan ang kinatatayuan niya, tuluyan na siyang napaupo sa sakit na naramdaman, umiikot ang kanyang paningin. Sisinghap-singhap siyang pilit tumayo sa pag-aalala sa kasasapitan ng di pa man naisisilang na sanggol. Pagkakita sa daloy ng dugo sa kanyang hita at binti, agad na napabunghalit ng iyak si Melba—taranta, takot, pangamba, habang umaatungal siya na parang bata at pilit nangungunyapit sa kung anong bagay na maabot ng kamay niyang nanginginig sa takot, takot sa kamatayan…

"pasalamat ka hindi ka namin pinatay"

Wala ni ingit na narinig pagkatapos ng isang lagapak ng kumpol na laman sa tabi ng basurahan.

“tara tsip, iwan na natin yan dyan”

Walang kibo si Melba habang inaalalayan ng mga kagawad ng baranggay patungong Heatlh Center.

Walang kibo si Lando sa kanyang pagkakapikit habang nakanganga ang bibig at sa wasak na panga niyang nakukulapulan ng natuyong maiitim na kimpal ng dugo.

END

Walang bago sa lansangan ng Maynila, partikular sa EDSA na kung saan lagi na lang trapik at mainit, magulo at mabaho dahil na rin sa tindi ng usok na dala ng hanging malagkit, kumakapit at nanunuot sa balat mong hinahagupit ng matinding sikat ng araw sa tag-init. Ito ang mga pagkakataong ayaw nang mamawis ng balat mo, sawa na sa pagkakatas upang dikitan lang ng alikabok habang ginigisa ng araw ang mukha mo sa sarili nitong naglalangis na pawis.


Walang patid ang harurutan ng mga humahagibis na kabaong sa malapad na kalye, punong-puno ito ng mga buhay na bangkay sa inihahatid kung saan saang sulok ng lamayan, kadalasan nga di pa man nakakababa ang isang bangkay humahaginit na agad ang pagharurot nito para maka quota. Sumampa ako sa bahagi ng Guadalupe bago pa man ako tubuan ng pigsa sa kilikili sa kakapara sa mga kabaong na ito. Swerteng nag menor kasi dahil sa pulang bituin ng katanghaling tapat. Ngunit bago pa man kumislap ang berdeng bituin may sumampa na isang bangkay din pero di pangkaraniwan ang bangkay na ito.


Hindi pandak, pero napakaliit ang lalaking ito. Hindi pa man ako tapos mamimili ng upuan (kung may pagpipiliian man) sa siksikang entrsuwelong ito kasunod ko na agad ang sepulturerong marusing sa likod ko, may tangan na tiket  at naniningil na. Arogante  at sinigawan agad ang lalaking hanggang bewang ko lang ang taas dahil sa pagkatapos ng kanyang bayag ay sahig na agad. Putol ang mga paa ng mamang ito, mula puno ng hita pababa. Marusing din gaya ng sepulturerong may tangan na tiket at naniningil.


Hindi ako naawa sa mamang kapiraso lang ang itsura, kahit pa naglalahad ito ng kanyang mga palad ay humihingi ng abuloy at kumakalabit sa mga nagtutulog-tulugang bangkay sa bawat madaanang siksikang upuan.


Ngumingiti siya tuwing may kinakalabit, ewan ko ba kung anong  nakakapag pangiti sa kanya o baka naman siya ang nakikiliti tuwing ipinangkakalabit niya ang hintuturo niyang kinukulapulan ng tatlong piyeng dumi at dalawang pulgadang putik sa singit ng mga kuko ng hintuturo niyang maitim.


Napapaigtad ang mga nagtutulog-tulugang bangkay na pawang naka pandisenteng pamburol sa tuwing siya’y mangangalabit sabay lahad ng palad, may kasamang usal ng kung anong pagmamakaawa. Habang ang mamang sepulturerong may tangan na tiket naman at abalang-abala sa may kung ilan pang buhay na bangkay na hinahakot tuwing titigil ang mabilis na kabaong sa bawat kanto ng sementeryo. Sigaw ito ng sigaw ng kung anong destinasyon para maakit ang mga nagkukumahog na buhay na bangkay na sumakay sa kabaong.


Malapit nang humarurot ang matuling parihabang kahon na ito sa South Super Highway kaya’t ang mamang sepulturero ay nagpasya nang umakyat sa kabaong at handa nang mag tiket.


 

“ay, tang-ina mo nandito ka pa rin? Kanina pa kita pinababa a—bumaba ka nga dun!”

“putang ina mo din gago! Ang yabang mo a” mabilis na pakli ng mamang ismol.


patagilid kung makatingin ang mamang putol. Kung may mga biyas lamang ito mukha sigurong Robin Padilla ang porma nito sa kanyang astig na asta. Nakakuyom ang mga kamao nito, di ko alam kung dahil sa baryang kanyang hawak na napaglimusan sa lamay o sadya lamang handa niyang sapakin ang sepulturero kahit na di niya abot ito.


“e kung tadyakan kaya kita dyan, tapang mo a---bumaba ka na nga!”

“boy, ano yan?”

“eto pare kanina ko pa pinababa ito nasingitan pa rin ako, tangina mo kapag hindi ka pa bumaba ihahagis kita sa tulay ng Magallanes”


Nanghahaba ang leeg ng mga “nagising” na nagtutulog-tulugang bangkay sa loob ng kabaong. Usyoso, usyoso na. Yung isang manang na nagmamantika ang mukha naaawa, bubulong bulong bakit daw ginaganun ni manong sepulturero yung umakyat na gusgusin at pulubing bangkay samantalang gusto lamang daw mag hanap-buhay nun, mas maigi naman daw yun kesa sa magnakaw.


“pare tama na yan”

awat naman ni kuya na mukha talagang bangkay sa kapayatan niya


“hoy, maawa naman kayo”

Sabi naman ni ate na may suot na napaka seksing mini-skirt na pamburol.


Habang si kuya Kamatayan naman ay inapakan ang selinyador na lalong nagpaharurot sa bulok na kabaong na ito na may mabahong aircon at nanlilimahid na kurtinang checkered. Ang pagbilis ng parihabang kahon na ito ang nagpataranta sa lalaking ga-bewang ko lang na kanina lamang ay daig pa sa kaastigan si Mark Anthony Fernandez at kinupaw ang porma ni Binoy sa Totoy Bato. Nakalimutan niya tuloy na kailangan pala ng paa kung magbabalak kang tumalon mula sa humahagibis na kabaong, pero sadyang makulit si manong sepulturero, nakaumang na ang pala at piko nito para iunday sa kanya at tuluyan na siyang ibaon sa konkretong libingan sa kanto ng Magallanes papasok ng South Super Highway.


Pasalamat na lang at may mga embalsamador pala na nakasuot ng kulay blue mula sa MMDA funeral homes ang nakatambay sa kanto kaya’t si kuya kamatayan ay nag menor bagay na sinamantala ng dalawa. Sinamantala ng lalaking ga-bewang ko lang ang pagkakataon at dali-daling tumalilis sa pa utay-utay niyang gaod ng kanyang mga kamay pantulong sa walang maihakbang--kasi wala ngang paa. Sinamantala din ito ni kuyang sepulturero na may tangan pa ring tiket upang batukan ang malinggit na lalaki habang bumababa. Ewan kung balak niyang magpatawa o gayahin ang mga palabas ng intsik na nagpapatawa sa TV.


Napasubasob ang putot, nabitawan ang mga baryang nakakuyom kanina sa mga kamao nito, sumabog, kumalansing kasabay ng pagtili ng seksing bangkay sa tabi ng pinto ng kabaong. Hanggang dun na lang yun, kasi naka baba na ang mamang putol. Wala nang reaksyon na sumunod maliban sa naiinis na ekpresyon sa mukha ng sepulturero dahilan sa napilitan siyang pagdamputin ng mga kumalat na barya. At nagpaliwanag siya sa litanya ng nagmamabilis na takbo ng kabaong papaliko ng South super Highway.


“dating holdaper at isnatser ang gagong iyon, alam nyo ba. Minsan may hinablot yan na selpon, tumakbo at tumawid ng EDSA Guadalupe, e nahagip ng humaharurot na taxi—ayan kaya putol ang dalawang paa. Ngayon gradweyt na sa pang iisnats namamalimos naman”


Hindi pa man tapos ang requiem sermon ni manong sepulturero, isang malakas na tunog sabay subasob ng mga pasahero ang naganap.


Bumangga ang sinasakyan naming kabaong sa isang sosyal at maliit na kulay puting nitso pagliko ng Highway.


Babaan na ang pasahero, nagmumura, naabala, naiinis kasi mainit nga naman ang araw sa kanto ng Magallanes papuntang South Super Highway maghuhunas ang mga pamburol na make-up nila at maaalikabukan ang pamburol nilang damit. Nagbababaan ang mga nagising na bangkay habang pumapailanlang pa rin ang mala asong halakhak ng isang hitad na bungangera ng love radio, ang opisyal na punebre ng mga kabaong ng EDSA.


Nalingunan ko ang mga naguusyosong bangkay sa paligid habang nag-iisip kung paanong makakasakay ulit ng kabaong. Maliit lang pero napansin ko pa rin si manong putol sa kulumpon ng mga usisero’t usisera. Waring nakangiti at parang nadidinig ko ang inuusal ng kanyang mala-mapang asar na ngisi.


“beee, buti nga…”

 

 



Madalas akong lasing nitong mga nakaraang araw. Hindi dahil sa gusto kong mag celebrate ng bertdey ko ng madalas o sadyang lasenggo lang ako, o di kaya’y laging nayaya ng barkadang uminom. Wala lang. wala lang talaga sa hulog ang utak ko nitong mga nakaraang araw.

 

Madalas pag lasing ako naiiyak ako. Kung ang ibang lasenggo sumusuka kapag lasing, ako naiiyak. Kung bakit kasi sa akala kong makakalimutan ko ang problema ko kapag nakainom ay lalo pang lumolobo ito na parang sipon kapag bigla kang napabahing. May talsik-talsik pa.

 

Minumura ko ang lahat, ang gobyerno, ang biyenan ko, ang kapitbahay ko, ang kaklase ko nung greyd wan, ang titser ko, ang ex-wife ko…oo ang putang inang ex-wife ko na itinago sa akin ang dalawang anak ko. Putang-ina niya! Kung nasaan man siya putang-ina talaga niya. At kung naririnig niya ako, putang-ina nya ulit!

 

Madalas akong uminom kung saan lang abutin ng uhaw, nakapagtatakang inom ako ng inom pero di naman natitighaw ang uhaw ko. Dati beer lang, pero ‘tangina naiihi lang ako lagi sa beer—time to graduate, hard naman mura na mabisa pa. isang boteng ginebra lang tipsy ka na di tulad ni San Miguel tagal ka tablan, magagastusan ka pa.

 

Mas masarap kasi mag-isang uminom, at least wala kang damay. Tapos lakad-lakad lang pauwi, pakanta-kanta. Yun e kung makakauwi, minsan nagising ako nasa tabi ako ng basurahan. Nakakahiya. Pero ang di ko malilimutan ay nung magising ako mismo sa ilalim ng tulay ng Quiapo.

 

‘tang-ina, ang sakit sakit ng ulo ko, parang binibiyak, pinagpapawisan ako ng husto habang nag-aalburoto ang sikmura ko. Pinilit kong idilat ang mga mata ko sa pagkakaupo pero sadyang ferris wheel ang paningin ko. Sandal muna sa pader…sheeet! Amoy tae dito nasusuka ako…hakbang…gabay…hakbang…anong oras na kaya? Sheeet ulit! Wala ang relo ko at wallet?

 

“lola may nakita ba kayong…”

 

“ay may tinda pala kayong kape?”

 

“isang tasang kape tsaka Marlboro lights ha”

 

‘tang-ina ang dumi naman ng termos ni lola, di bale na nga sakit ulo ko e kailangang makapag kape. Buti pa si lola may hanap-buhay dito sa ilalim ng tulay.

 

“lola bakit po dito kayo sa tago nakapwesto? Mabibilhan ba kayo dito?”

 

Bingi ba itong si lola? O matindi lang hang-over ko, aba e nginitian lang ako e.

 

“gusto mo ba ng tatlong storck?”

 

“po? Storck? Yung kendi? Hindi po”

 

‘tang-ina adik itong si lola, kita nang may hang-over ako kending menthol pa ang ipapalaklak sa akin, kandasuka na nga e.

 

“skyflakes na lang ho, meron kayo?”

 

Ayan skyflakes at kape para sa taong may hang-over at walang pera. Sarap sana humigop ng bulalo para mahimasmasan tapos sabay ligo ng malamig na shower. Napansin ko lang dito sa ilalim ng tulay ng Quiapo andaming matatanda. Dito na ba lumipat ang Veterans Memorial Hospital? Mga nakahiga sa folding bed e—tsaka pawang mga matatandang babae ang narito, yung iba may alagaing apo pa.

 

Umiikot pa na parang tsubibo ang ulo ko, parang maya-maya lang bubulwak na ang isang baldeng suka galing sa sikmura kong walang laman, nagsisimula nang umagos ang laway ko sa ngala-ngala at panga, bagay na lalong nagpapasidhi sa muriatic acid ng sikmura ko. Pakiramdam ko nakakain ako ng hilaw na sampalok.

 

Kalabit-kalabit uli si lola…

 

“’utoy, utoy, magpapasupsop ka ba?”

“ha? Ano po?”

“sabi ko magpapasupsop ka ba?”

 

Hindi ko alam kung tama nga ang narinig ko, agad akong humarap kay lola taglay ang isang kilo’t kalahating kilabot na hindi ko alam kung dala lamang ng malapit ko nang maisukang sikmura o nabingi na ba ang mga tenga ko sa kaiinon ng ginebra.

 

“hindi ka kasi bumibili ng storck e”

“ano pong kaugnayan ng storck sa supsop?”

“lahat kasi dito para malaman kung gustong magpa supsop bumibili muna ng storck—tatlo”

 

Halatang irita na si lola, ako naman di alam ang gagawin. Putang-ina sa ilalim ka ba naman ng tulay ng Quiapo nagising, may hang-over, malagkit ang pakiramdam, gutom tapos may kausap kang matandang hukluban at ang topic nyo supsupan? O sya sige close na nga kami ni lola tapos ng supsupan kantutan naman ang topic ha?

 

Tinanaw ko ang paligid, lumilinaw sa akin ang sinasabi ni lola. May tatlo hanggang limang folding bed ang naka pwesto sa ibat-ibang panig ng madilim at maruming bahagi na ito ng tulay ng Quiapo. Malansa, mainit at makalat. Walang may mangahas na pasukin ito maliban sa aking namataang matandang lalaki din at ilang mukhang basurang di naman katandaang lalaki na lumabas sa hinawing kurtinang yari sa sako.

 

Napamura ako, nag-aangat kasi ng zipper yung isang mama pagkatapos niyang hawiin yung kurtina papalabas, habang may isang lola naman sa likod nun, nakangisi pa.

 

“ano bang gusto mo? May bakod o wala?”

 

“‘Tang-ina ito si lola…kung anu-ano sinasabi hindi ko maintindihan”

 

Nasabi ko sa sarili.

 

Halata siguro sa mukha ko ang pagtataka, o sadya lang nakakagago talaga ang mga pangyayari lalo na at kalahating lasing ka pa at nasusuka.

 

“ay putang-ina ano ba? Papasupsop ka ba ng titi mo o ano? Singkwenta lang”

 

Muntik ko nang mabitiwan ang isang tasa ng kape na tangan ko. Blow Job session pala ng mga matatanda ang ilalim ng tulay ng Quiapo ito. Kaya pala tinatanong ni lola kanina kung may bakod ba o wala ang gusto ko, nang Makita ko ang isang lola matapos umalis ang parokyano nya---isinubo muli ang pustiso nya.

 

Putang-ina! Nandiri ako, biglang sumikdo ng husto ang sikmura ko at gustong isuka lahat ang bituka ko pati atay, balumbalunan, at baga ko. Hindi ko alam kung parusa na ito sa akin at ako’y nasa impierno na. Oo masarap ang Blow Job, ang masupsop ang titi, ang nilalandi ng dila ang burat habang nilalamas ang bayag, por dyos, por santo! Pero hindi ni lola!

 

Napako ako sa kinatatayuan ko, pinagmasdan ko ng husto ang paligid. Muli kong nasaksihan ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga matatandang uutay-utay na lang sa pag galaw habang nakatalungko sa mga folding bed nila, may maliliit na lamesita sa gilid ng kama, mistula itong charity ward sa PGH kung saan may mga pasyenteng matatanda na walang dalaw. Narito ang iilang plastic bag na may mga damit nila at ilang gamit kusina.

 

Umaalingasaw ang ihip ng hangin na galing ilog pasig, ang lansa at alimuom ng pinaghalong alinsangan at tamod sa semento ang siyang nanunuot sa utak ko. Nilulunod ng mga businahan ng sasakyan at ingay ng mga nagtitinda sa labas ng tulay ang palatak ng suspsupan sa sulok na ito ng kamunduhan.

 

Nanginginig ang kamay kong inilapag ang isang tasa ng kape, bahagya ko lang itong nainom. Di bale na, tanggal na ang hang-over ko. Nalingunan ko si lola tindera, nakangisi. Hindi na niya kailangang magpaliwanag. Wala siyang dapat ipaliwanag.

 

Kahit gigiray-giray ang lakad ko humahangos ako palabas sa ilalim ng tulay na iyon. Hindi pangkaraniwan ang magising sa bahaging iyon ng mundo. Hanggang makalipas ang ilang oras di ko pa rin mapagtanto kung gising na nga ba ako o bahagi lang ito ng isang masamang panaginip.

 

Sa natitirang barya sa aking bulsa tinangka kong sumakay ng bus. Nakasisilaw ang liwanag ng haring araw sa puyat kong mga mata, nagdudulot ito ng pag tagaktak ng pawis at butil-butil na pangamba sa noo ko.

 

Hindi ko rin alam kung bakit nagmamadali ako, gusto kong maligo na, gusto kong umuwi na, gusto kong Makita na ang mga anak ko. Gusto kong mayakap na sila, gusto kong kamustahin sila, gusto kong tumawa kasama sila, kung nasaan man sila…

 

Naiiyak ako…nahihilam ata ako sa usok ng sasakyan habang nakatanaw sa bintana ng bus. Napayuko na lamang ako ayokong Makita ninuman na naluluha ako. Sa pagkakayuko may napansin ako…bukas pala ang zipper ko.

 

END