Ang Freedom Island ay tinawag na Freedom Island, kasi ang mga nakatira doon ay mga dating iskwater ng Maynila. Sabagay, Iskwater pa rin naman ang tawag sa kanila ngayon. Nag migrate sila sa islang ito matapos ragasain ng mga buldoser ang kani-kanilang tahanan sa ibat-ibang panig ng Maynila at ibang pang karatig pook.
Hindi ko lang matandaan kung bakit nga ba Freedom Island ang tawag nila dito. Walang pinag iba ito sa tipikal na squatter’s colony ng Smokey Mountain sa Maynila at Payatas sa Quezon city. Naririto pa rin ang mala kalansay na istraktura ng mga bahay—kung matatawag ngang bahay.
Ang sabi sa akin, tinawag itong Freedom Island, kasi dito nila natagpuan ang kalayaan nila laban sa pambubuldoser ng lokal na pamahalaan. Paano nga naman makakalusong sa tubig ang buldoser upang maabot sila? Minsan daw ay may nagtangka na demolition team upang lapitan at paalisin na naman sila, sinalubong daw ng mga kalalakihan doon—sa tubig pa lang ay pinagtataob ang mga Bangka ng nakasalubong na tauhan ng gobyerno at muntikan ng malunod ang mga ito.
Unang exposure ko ito, parte ng community organizing. Ang pag-oorganisa kasi walang pinipiling oras, kung kalian ka kailangan ng masa dapat nandun ka. Kailangang makausap ang isang Lider ng maralitang-lungsod sa Freedom Island para sa isang malakihang pagpupulong.
Tanaw sa di kalayuan ang dagitab ng iilang gaserang nakasindi sa bawat bintana ng kabahayan. Tanaw na din ang iilang aninong unti-unting nagkukumpulan sa baybayin ng isla—tanda na hinihintay nila ang aming pagdating. Pagsampa, isang mabuto at kalyuhing kamay ang agad na umunat at bumati sa akin.
“maligayang pag dating mga kasama”
“salamat po, Ka Obet, kamusta po kayo?”
“ayos naman, halina kayo sa bahay ko.”
Hindi ako maaaring magkamali, dalawang metro kuwadrado lamang ata ang sukat ng tahanan ni Ka Obet. Pinapasok niya kami. Direct to the point ang bahay niya, walang paligoy-ligoy pa, ibig sabihin lamesang kainan agad. Wala nang sala, komedor o lababo, yun na yun.Isang lugar para sa lahat. Pinaupo niya kami sa gilid ng mesang naiilawan ng isang gasera. Ang paligid ay tila isang kahon ng pinag tagpi-tagping kahoy sa isang kalawanging bubong.
Ang Ipinagtataka ko lang ay kung bakit hindi pumasok sa bahay si Ka Obet. Nandun lamang siya sa labas habang nakatunghay sa bintana sa ilang minutong kwentuhan at kamustahan namin. Ipinakilala niya ang asawa niya, nandun din dumungaw lamang sa bintana mula sa labas. Ang mga anak niya, ang bunso ay si Benok--ayun at pilit inaangat ang ulo sa pagdungaw sa bintana ng ipakilala siya. Ang nagdadalaga niyang panganay, si Grace ay sumilip lamang bahagya mula rin sa labas ng bahay ng tawagin at ipakilala siya. Ang panganay na lalaking anak ni Ka Obet si Rey, ay isang Kadre na.
Tsaka ko lang natantya na hindi nga pala kami kakasya sa loob ng bahay kung papasok pa sila at makikipag siksikan, kaya’t ayun, nasa labas silang lahat kasi may bisita. Namula ako at napahiya. Sila pa ang maybahay sila pa ang nasa labas ngayon upang pagbigyan ang mga bagong salta.
“Lydia, paki hain na nga ng makakain na sila”
“Yeheey! Kakain na!”
“Tanga, hindi ka pa, sila munang mga bisita”
“Tay, o, sabi ni ate di pa daw ako kain?”
“’maya konti anak ha...”
Parang dinudurog ang puso ko, naiinis at nahihiya ako. Gusto kong tumayo at lumabas ng bahay. Naramdaman ito ni Ka Obet at ng P.O. ko.
“kailangan ninyong kumain muna, kasi mahaba
Pag Pultaym Tibak ka lagi kang gutom. Kape at yosi lang kasi ang laging laman ng tiyan ng mga tibak.
Inihain ang isang malaki-laking pritong isda. Malapad ito kaysa sa karaniwan, tumulong na din kaming maghanda ng hapag, ayaw naming kami lamang ang kakain.
“kayo na muna ang mauna, mamaya na kami...”
Pagpupumilit ni Ka Obet.
“ilang minuto na lang kailangan nyo at nang makapunta na sa purok uno”
Naupo na kami at nagsimulang kumain. Masarap kumain sa ganito kaginaw na paligid. Wala mang kubyertos, mas mainam na ang magkamay. Talo pa rin ng gutom ang hiya. Sa kamal-kamal na subo ng kaning malata-lata, nalunod ang kanina pa di matapos-tapos na diskusyon kung paano patatakbuhin and plenaryo. Inabot na ng kakukurot namin sa pritong isda ang hangganan ng laman nito. Sa parteng ulo na lamang may kaunting laman.
Nagkatinginan kami ni Jong, ang kasama ko. Naunahan ko siya at akmang babaligtarin ko na ang pritong isda ng mula sa labas narinig ko ang tinig ng anak ni Ka Obet, sumisigaw, tila may kung anong pangyayari na nagaganap sa labas. Maliit ang tinig na nanginginig.
“Naaaaaaaay! Binaligtad na nilaaaa!”
Naumid ako. Nagkatinginan kami. Kanina pa pala nakasilip sa butas ng dingding si Benok, ang bunso ni Ka Obet. Kanila pala ang kabilang parte ng isda na inihain.
Di ko alam kung matutunaw ba sa tiyan ko ang kinain ko. Nagkatawanan na lamang kami. Si Ka Obet nahihiya sa amin, muntik nang batukan ang bunso niya.
Maya-maya’y nasa labas na kami matapos magligpit at maghugas ng kinainan. Habang nagyoyosi, panay ang pasalamatan at patuloy ang kamustahan. Nang lingunin ko ang barong-barong—si Benok nakapatong pa sa silya dumudukwang sa isda.
Natatawa ako at napapahiya sa sarili ko. Isang pamilyang halos walang makain ang nagpakain sa amin ng gabing iyon, hindi alintana kung may matitira sa kanila, sa natatangi nilang Noche Buena ng paskong iyon.






0 (mga) puna:
Mag-post ng isang Puna
salamat sa pag-aabalang bumisita!