“the only difference

Between suicide

And martyrdom

Is press coverage...”

                                                Chuck Palahniuk

 

 

Katatapos lang ng malakas na bagyo. Mahangin pa ang kapaligiran sa basang kalsada na naiilawan ng malungkot at dilaw na liwanag mula sa poste. Nagkalat ang mga lagas na dahon kasama ng basurang kinalkal ng mga aso sa gilid ng kalye. Ang mga puno naman ay humahapay pa rin sa panaka-nakang ihip ng hangin, banaag ang hapo ng bawat sanga at dahon sa magdamag na pagyukod sa pwersa ng kalikasan.


Sarado ang mga tindahan, ang mga karinderyang dati ay bukas sa mga ganitong oras bago sumikat ang araw ay tila matang pikit ang mga pinto at bintana—nahihimbing at namamaluktot sa lamig ng nagdaang magdamag. Maging ang mga Jeep na karaniwang buhol-buhol sa kalye ay madalang na dumadaan, kung mayroon man dinig mo ang sagitsit ng basang kalye na dinaan ng mga gulong nito.


Matinding hagupit lamang ng bagyo ang paminsan-minsang nakakapag pasupil ng ganito sa napaka abalang kalye ng Maynila, isang pagkakataong parang kinakailangan talagang hugasan muna ng kalikasan ang dumi at basura ng tao gamit ang sanlaksang buhos ng ulan at hangin upang anurin sa kailaliman ng imburnal hanggang makarating sa dagat ang mga alikabok, basura, tae, dura, patay na hayop at patay na tao.


Hindi halos gumagalaw ang isang aninong kanina pa nakatalungko sa gilid ng isang nakaparadang bulok na kotse, sa tabi ng isang nababakuran at itinatayong gusali. Nakatungo at nakabaon ang ulo sa pagitan ng mga tuhod na tila nahihimbing sa lamig ng paligid, ngunit mahahalatang malakas ang hugot ng hinga sa nakausling butuhing balikat nito. Dikit-balat sa basang-basang kamiseta. Karaniwan na ang ganitong nilalang sa Maynila. Sindami ng asong gala at dagang kanal ang mga taong palaboy, walang tiyak na pupuntahan walang tiyak na buhay.

 

***

 

“eto na ang huling sweldo mo, umuwi ka na at wag ka nang magpapakita dito”

“sir..alam nyo naming wala akong uuwian e”

“may malabo ba sa sinabi ko? Sabi ko umuwi ka na, sisante ka na di ka na kailangan dito”

“pasalamat ka nga di kita ipinakulong e, pati ba naman cellphone ko pinag-interesan mo?”

“Mr. Sandejas wala po talaga akong alam dyan...”

“tang-ina ka, gago!”


“tang-ina ka, gago!” Umuulit-ulit at umaalingawngaw ang salitang ito sa utak niya. Parang nanduduro sa pagkatao niya na lalong pinalala ng matinding awa sa sarili. Noong una’y galit ang nararamdaman niya tuwing maaalala ang mga pangyayari sa buhay niya. Mula sa probinsya, ang kanyang mag-ina, ang nanay at tatay niya at ang hirap na dinanas niya pagluwas ng Maynila.


 Gasino lang ba ang galit kapag ginapi na ng gutom? Galit ma’y unti unti ring nahihinuhod kapag sikmura na ang umatungal.


“tang-ina ka, gago!”

Parang pambansang awit ito ng pagkatao ni Rey, tumatatak sa isip niyang gula-gulanit na. Anong katwiran ang pwede niyang sabihin sa mag-ina niya ngayong wala na siyang trabaho? O makaka uwi pa ba siya sa probinsya para mangatwiran? O may uuwian pa ba siya? O may katwiran ba talaga siya? O may mag-ina pa bang naghihintay sa kanya?

 

***

 

“pinasok na ata ng hangin ang utak ng gagong yan”

“matagal ko nang nakikitang aaligid-aligid yan dito e, ganyan pala binabalak niyan?”

“bakit di na lang siya tumalon para tapos na?”


Mahigpit ang kapit ng kanyang mabutong mga kamay sa makapal na bakal ng billboard. Humigit-kumulang sa may isandaang talampakan din mula sa sementado at mabatong ibaba. Nagsisimula nang dumami ang mga taong nag-uusyoso sa kaguluhang nagaganap—lahat nakatingala. Nagsisimula na ding magbuhol-buhol ang trapiko sa pang-umagang abala ng mga nagdaraan.


Tila wala siya sa sarili niya, malakas ang hingal at balisang-balisa ang kanyang galaw. Alumpihit, di alam kung saan susuling. Para siyang isang daga na nasukol sa sulok at naghahanap ng malulusutan. Ipinapahayag ng kilos niya ang hindi masabi ng mga salita. Mula sa ibaba samu’t-sari ang reaksyon ng mga taong nakatunghay.


May natatawa, may naiinis dahil sa nilikhang trapik, may naaawa, may natatakot at may nagkikibit-balikat. Isa lang ang hindi napapansin ng mga tao: ang sunod-sunod na pagpatak ng luha niya mula sa itaas—kung paanong sa kaliitan nito’y naglalaho na ito bago pa man lumagpak sa lupa dahilan sa nililipad na ng hangin. Walang luhang nakarating at pumatak sa mga nakatunghay sa ibaba.


“o, eto na’ng MMDA, tabi kayo, tabi kayo dyan!”

“sino na namang bugoy yan? Tang inang ‘to perwisyo a, andami pa naming gagawin ngayon andaming sinira ang bagyo e”

“sir, ano antayin na lang nating tumalon?”

“gago, maya-maya lang may media na e, tumawag ka sa office, sabihin mo kay Cortez yung tow truck dalhin agad dito.”

“tawagan mo din si Mr. Lao ng Chinese fire brigade makatulong sa pag-akyat”

“sige, sir...”


Panaka-naka’y tumitingala ng matagal. Waring umuusal ng dalangin sa abuhing langit na noo’y wala man lang bahid asul at makulimlim. Kitang-kita mula sa ibaba ang panginginig ng kanyang mga kamay mula sa pagkaka yapos nito sa bakal ng billboard, ewan kung dahil sa lamig na dala ng hanging amihan o lamig ng kanyang iniisip.


Lalo siyang nababalisa tuwing sisilip siya sa ibaba at makikita ang mga taong nagkakagulo, para siyang nakakaramdam na hinahabol siya ng mga ito at ang kinalalagyan niya ngayon ang dead end ng isang entresuwelo.


Sa kung anong kabalintunaan ng pagkakataon, dito sa billboard ng EDSA niya naisipang umakyat, sa billboard ng pelikula ni Sam Milby, sa billboard ng Cul de Sac.

 

***

 

“Dati nyo kamong trabahador itong si Reynaldo Magtanggol?”


“Opo, mabait po na tao yan, dangan nga lang at nagtanggalan ng tao at isa siya sa na lay-off, e kung ako ang tatanungin di ko sana papayagan na maalis yan—mabait kasi yan.”


“sa tingin nyo anong dahilan at umakyat siya diyan, hindi ho ba nag-aadik yan?”


“sa tingin ko problema sa pamilya yan e, baka kinaliwa ng asawa o ano. Galing kasing Masbate yan lumuwas dito dahil nailit ata ang lupa nilang sakahan, namasukang piyon sa akin,  e naawa naman ako kahit walang experience sa construction tinanggap ko na rin. Baka kako tinorotot ng asawa sa probinsya kaya nagkaganyan...alam mo na, di nakayanan.  kung sakali handa akong i-offer ang tulong ko sa kanya...”


“ano pong tulong?”


“ah, e tsaka na pag-usapan pag napababa na siya.”


“narito pa rin po tayo live sa EDSA-Magallanes sa kanto po ng Pasong Tamo extension kung saan isang lalaki po na tinatayang nasa edad treinta hanggang treinta y singko ang umakyat at nagtatangkang tumalon sa billboard na siyang pinagkakaguluhan ngayon ng mga motorista at sanhi ng buhol-buhol na trapiko. Nakausap po natin ang kanyang dating supervisor sa construction site na, ano nga po ang pangalan nyo sir?”


“Bert po, Norberto Sandejas po...”

 

Isang malaking kasiyahan sa harap ng kamera ng telebisyon ang nagaganap, maraming mukha ang nakangisi at kumakaway sa harap nito. Umpukan ang mga miron sa likod ng iniinterbyu, mga mukhang sabik sa kamera. Piyesta sa EDSA, piyesta din ang mga taga-media. Nakapagtatakang wala naman talagang ipinagkaiba ang nakikita ng mga taong dumaraan araw-araw sa ilalim ng billboard na ito. Maliban sa lumipat lamang ng “tambayan” ang gusgusing taong ito mula sa ilalim ng billboard na ngayon ay nasa tuktok na.

 

 ***

 

Mistulang isang napakahabang kamay ang mekanikong hagdan ng truck ng bumbero. Sa dulo nito ang isang tila malaking lalagyan na kasya lamang ang isang tao. Umuusad itong unti-unti pilit inaabot ang kinalalagyan ng taong kanina pa tinitingala ng karamihan. Halatang kabado ang taong nakalulan sa dulo ng mekanikong kamay ng truck, makailang humugot ito ng malalim na hinga, kitang-kita ang taas-babang balikat nito habang ang lahat ng mata ay nakatutok at umaantabay sa lahat ng nagaganap. Hindi magkamayaw ang media, nagpapaligsahan at nag uunahan sila ng maiinterbyu, kahit sino basta nagsasalita, tututukan nila ng kamera at susupalpalan ng mikropono.


Pumantay na ang mekanikong kamay ng truck ng bumbero sa mga bakal ng billboard. Kapos ito. mataas ang pagkakayari ng billboard at hindi kayang abutin, halos kalahati lamang. Sa pagkakataong ito kinakailangang akyatin ng kagawad ng pamatay-sunog ang nalalabing taas na di kinaya ng mekanikong hagdan. Lalong kinabahan ang mga nasa ibaba. Natahimik. Nagmamasid.


“Rey, abutin mo ang kamay ko...”

Napalingon si Rey, halatang wala sa sarili. Ngayon lang niya napagtanto na may kasama na pala siya sa taas na kinalalagyan niya. Nagulat at napakislot siya.

“sige na, pwede namang pag-usapan natin ito, wag kang magpapakamatay kailangan ka pa ng asawa at anak mo.”


Parang binuhusan ng malamig na tubig ang mukha ni Rey. Iba ang dating ng salitang “asawa at anak” sa kanya. Parang isang eksena sa pelikulang flashback, nagsusulputang imahe sa utak niya ang mga tagpo na may kaugnayan sa asawa’t anak.


Maya-maya ay inaabot na niya ang kamay sa dumudukwang na miyembro ng pamatay-sunog. Napakalakas ng ihip ng hangin sa itaas, sapat upang lalong mangunyapit ang dalawa sa malamig na bakal ng billboard. Matapang Ngunit nanginginig ang mga kamay ng bumbero habang inaabot ang iniuunat na kamay ni Rey.


“O, ganito ha, ikaw ang aakyat—mag-iingat ka kasi ang sabi may sapak daw ang ulo niyan. Protect yourself at all times, kung hihilahin ka niya at mahuhulog ka mas mabuting bitawan mo siya o alisin mo ang pagkakakapit niya sa iyo.”


Lalong sumasal ang iyak ni Rey. Para itong batang munti na naapi at sa pagkakita ng kakampi ay lalong bumunghalit ng iyak. Iyak na halatang matagal nang kinimkim. Sa oras na ito isa siyang batang munti sa itaas ng puno, hindi makababa at nagpapatulong sa kanyang mga magulang. Humahagulgol.


“you don’t have to risk your life to this shit, at least gagawin natin ang tungkulin natin to rescue him, may media e. Just proceed with the rules of engagement, is that clear?”


Konti na lang magpapang-abot na ang kanilang mga kamay. Pigil hininga ang mga tao sa ibaba, lahat nakatunghay. Nakatitig habang ang iba ay naka hawak sa bibig pigil ang sasabihin, pigil ang hininga.

“ay tang-ina ka gago!”

Nabulalas ng bumbero sa kamuntikang madulas ito habang inaabot ang kamay ni Rey. Sigawan ang mga tao.

“tang-ina ka gago!”

Ang pambansang awit ng katauhan ni Rey. Salitang paulit-ulit niyang naririnig mula pa nung bata siya sa kanyang ama, sa kanyang teacher, sa kanyang kalaro, sa kanyang kaaway, sa mga military na pumatay sa nanay at tatay niya, sa kanyang supervisor, at sa taong ito na nasa kanyang harapan na magliligtas sana sa kanya. “tang-ina ka gago!” “tang-ina ka gago!” “tang-ina ka gago!”


FLASH REPORT

“...sa hindi pa po malamang kadahilanan, isang lalaki na hinihinalang may diprensya sa pag-iisip ang ngayon ay matatagpuang nakahandusay at walang buhay—tumalon sa billboard, narito po at pinagkakaguluhan ng mga nag-uusyoso na siyang lumilikha ng napakalaking trapik sa mga motoristang dumaraan sa kahabaan ng EDSA Magallanes...”

 

0 (mga) puna:

Mag-post ng isang Puna

salamat sa pag-aabalang bumisita!