Salvage!

Saturday, January 31, 2009 | 0 Comments



Mag a alas dos na ng madaling araw, madalang ang sasakyan sa Highway kaya’t pwede siyang magmaneho ng mabilis. Malamig ang hangin ng oras na iyon, waring nakikiramay sa lamig ng Katatapos pa lamang niyang gawain. Bukas ang bintana ng kanyang kotse tagus-tagusan dito ang malakas na ihip ng hangin sa kanyang mabilis na pagpapatakbo.

Napasulyap si Ben sa rear view mirror, napakunot ang noo, may halos isang oras na rin siyang tumatakbo sa highway Ngunit ngayon lamang niya napansin ang bahid ng dugo sa kanyang pisngi—natalsikan pala siya. Pinahid niya ito ng likuran ng kamay niya, sabay ngising demonyo.

“S-sir, maawa na po kayo...may pamilya po ako at maliliit pa mga anak ko...”
“tatlo lang...bibilang ako ng tatlo dapat nakalayo ka na ha?”
“isa...”
“s-sir wag po maawa na po kayo...”
“dalawa...”
“wala po talaga akong kasalanan...”

Hindi na natapos ang bilang, umalingawngaw ang dalawang magkakasunod na putok sa katahimikan ng gabi. Waring bingi ang magdamag sa gayong kaganapan lalo na sa liblib na pook ng Cavite. Kung may makakarinig at makakasaksi man ay di na pinapansin ang ganitong mga pangyayari, ordinaryo na ito. Ordinaryo na kinabukasan ang Makita ang bangkay ng isang nilalang sa tambak ng basura o sa isang liblib na talahiban sa bayan ng Cavite. Isa na namang nabubulok na bangkay na wala man lang kukuha sa morgue, o di kaya’y kalansay na muna bago mapansin ng mga batang namamasura.

“kailangan ko ng kwarto, magkano ba?”
“ito po ang rates namin...”
“ok sige kunin ko ito, overnight lang kailangan kong magpahinga”
“sige po sir, room 238 eto po ang susi nyo, thank you po sir.”

Madilim ang entresuwelo ng Motel na pinasok ni Ben, pipitsugin lamang ito, mistulang isang malaking lumang bahay na may tatlong palapag. Karamihan sa mga dingding nito ay kahoy liban sa sahig sa lobby, sahig na lumang marmol nagdidilaw na sa kalumaan. Samantalang ang ikalawang palapag nito pag-akyat sa hagdanang kahoy at lumalangitngit tila dumadaing sa bawat paghakbang. Room 238...sa bandang dulo ng entrsuwelong may apat na kwarto, sa pasilyong may malamlam na dilaw na ilaw. Halata ang kakulangan ng pasilidad sa pipitsuging motel na ito, dama ang alinsangan sa pasilyo pa lamang as sa mga dingding nitong may nababakbak na pinturang puti—mistulang isang lumang ospital ito dangan nga lamang at wala dito ang amoy gamot na karaniwang umaalingasaw sa isang lumang ospital.

“Mission accomplished Sir, naikahon na ang object.”
“Ok Sir, I’ll just take a rest muna and will report to you tomorrow.”
“malinis po, malinis po don’t worry. Just the same alam na naman po ninyo ang account number ko e—savings account sa metrobank, ok goodnight Sir.”

Isinara ni Ben ang pinto sa likuran at binuksan ang ilaw, inilapag ang cellphone sa maliit na lamesita sabay hubad ngT-shirt. Ngayon lamang niya nadama ang pagod ng maghapong pagsubaybay at paghuli sa “suspect” isang lider manggagawa na kailangang iligpit dahil sagabal sa takbo ng negosyo ni Mr. Lao. Hinugot niya ang abuhing 9mm Gloc mula sa kanyang likurang baywang at inilapag rin ito sa lamesita. Ito rin ang klase ng baril na ginamit ng estudyanteng si Seung-Hui Cho nung pagbabarilin niya ang mga kamag-aral sa Virginia USA, marami nang inulilang pamilya ang baril na ito, at marami na ring inakyat na pera ito para sa kanya.

“anak ng put...”
“pinahiran ko na ito kanina a...”
“kaya pala nakatitig sa mukha ko ang gagong attendant na yun sa lobby e...”

Gulat na gulat si Ben, nakaharap siya sa salamin ng banyo akmang maghihilamos sana upang pawiin ang maghapong pagkapagal. Wala siyang maapuhap na paliwanag kung bakit naroon na naman ang bahid ng dugo sa kanyang kanang pisngi, samantalang siya mismo ang nagpahid nito kaninang bago pa lamang siya nag check-in sa motel na ito. Mariin ang kanyang pagkakahaplos sa mukha gamit ang tubig sa gripo sa lababong manilaw-nilaw at amoy pabangong-banyo.


Madali lamang nakakatulog ang tulad niya, hindi uso ang konsensya sa makailang beses na niyang pagsasakatuparan ng ganitong gawain, pera-pera lamang ito, may baril na rin lang bilang pulis e bakit di pa mag sideline ng ganito—mas malaki ang kita sa ilang oras na trabaho.

Ilang saglit pa at pumapailanlang na ang diwa ni Ben sa pagkakahimbing...upang gulantangin lamang ng pagbalibag ng pinto. Napabalikwas siya, sabay kapa sa baril sa lamesita. Mula sa liwanang ng lampshade ay inaninag niya ang pinto sa kanyang pipikit-pikit na mga matang nabulahaw sa pagtulog. Nanatiling pinid lamang ng pinto, hindi alam ni Ben kung nanaginip lamang ba siya o totoo ang mga pangyayari.

Kailangan niyang tumayo at uminom ng tubig...

“nasan ang kotse ko?”

nawika nito sa sarili habang napasulyap ito sa bintanang salamin ng kwarto. Natatandaan niya ang pinag-iwanan dito sa gilid ng Motel malapit sa tambak ng mga kahon na kahoy, Ngunit ngayo’y wala na ito dito, kapansin-pansin ang tila puting usok na hamog sa kumakalat sa sementadong parking lot tanaw mula sa bintana.

Dali-daling nagbukas ng ilaw si Ben at isinuot ang puting T-shirt na nakasampay sa sandalan ng lumang silya. Hindi niya napansin na muling bumahid ang dugo mula sa kanyang pisngi at ngayo’y nagmantsa ito sa kanyang damit.

Takbo pababa...walang tao sa lobby...lingon sa kaliwa at kanan...walang tao...
Hangos siya palabas sa bukas na pinto hanggang sa tabing kalsada...walang tao...

Tinanaw niya ang second floor na kung saan tanging ang kwarto lamang na pinaggalingan niya ang may bukas na ilaw na kulay dilaw—malamlam at patay sindi. Naningkit ang mga mata ni Ben. “bakit patay-sindi ang ilaw sa kwarto ko?” tanong sa sarili.

Mas nanaig sa kanya ang hanapin ang nawawalang kotse kaysa sa bumalik sa kwarto. Lakad-takbo siya habang tangan ang baril sa kanang kamay sa paligid ng Motel...walang kotse...walang tao...gumagapang na ang hamog...
Unti-unti nang nababalot ng makapal na hamog ang paligid, napansin na lamang niyang matagal-tagal na pala siyang lakad-takbo sa paghahanap at sa gitna ng nakaliligaw na usok ng paligid, hindi matagpuan ni Ben ang hinahanap...hanggang sa tuluyan nang siya mismo ang mawala.

Napaluhod siya sa pagkahapo, pinahid ang mukhang pawisan...dugo...

“ahhhh!”

Napasigaw siya, sa kung anong masamang biro ng pagkakataon naroon pa rin ang dugo sa kanyang pisngi, hindi maalis-alis at laging nagbabalik. Napaangat siya ng tingin, kitang-kita niya ang isang aninong kanina pa nakatunghay sa kanya. Maitim at hindi malinaw ang mukha, subalit kita niya ang umaagos na dugo nito mula sa ulo dumadaloy hanggang balikat at kamay, tumutulo hanggang sa nakayapak nitong paa.

Walang inaksayang sandali ang pulis, instinct na nito ang magtutok ng baril lalong lalo na sa mga pagkakataong nanganganib ang buhay, at isa ito sa mga pagkakataon iyon. Naka-anim na putok bago tuluyang tumahimik at tanging mahinang “klik” na lamang na baril ng ubos na bala ang maririnig. Walang kaharap si Ben, wala ang taong maitim...wala rin siyang tinamaan...

Takbo...tigil...dapa...sa nakabubulag na mausok na paligid, talahiban...walang tao...walang sasakyan...hingal...walang bala...may humahabol sa likuran niya, may gustong umabot sa kanya, may gustong pumatay sa kanya!

Hapon na ng madiskubre ng Motel attendant ang bangkay ni Ben. Tirik ang mga mata nito, nakabuka ang bibig waring naghabol ng hininga. Hawak nito ang baril Ngunit hindi naman nagbaril sa sarili. Ilang sandali pa ay nagdatingan na ang SOCO upang imbestigahan ang nangyari.

“posibleng bangungot po sir, initially wala akong nakikitang foul play although may baril siya, I don’t think na nagpakamatay kasi walang bala yung baril e, at wala rin namang sugat.”

“Okay, log it down to your report Santos, we’ll check further pa.”
“so according to his ID this is SPO1 Benjamin Madriaga ng Manila’s Finest?”

“yes sir, pulis Maynila po siya...ah, sir parating na daw po ang media”

“Okay, ayusin na yan, teka bakit may dugo siya sa pisngi?”

Binuksan ng imbestigador ang ilaw upang mas masipat ang dugo sa mukha ng bangkay. Pagliwanag, tumambad ang mga bakas ng yapak ng paang maputik sa ibaba ng kama.

END







0 (mga) puna:

Mag-post ng isang Puna

salamat sa pag-aabalang bumisita!