Walang bago sa lansangan ng Maynila, partikular sa EDSA na kung saan lagi na lang trapik at mainit, magulo at mabaho dahil na rin sa tindi ng usok na dala ng hanging malagkit, kumakapit at nanunuot sa balat mong hinahagupit ng matinding sikat ng araw sa tag-init. Ito ang mga pagkakataong ayaw nang mamawis ng balat mo, sawa na sa pagkakatas upang dikitan lang ng alikabok habang ginigisa ng araw ang mukha mo sa sarili nitong naglalangis na pawis.


Walang patid ang harurutan ng mga humahagibis na kabaong sa malapad na kalye, punong-puno ito ng mga buhay na bangkay sa inihahatid kung saan saang sulok ng lamayan, kadalasan nga di pa man nakakababa ang isang bangkay humahaginit na agad ang pagharurot nito para maka quota. Sumampa ako sa bahagi ng Guadalupe bago pa man ako tubuan ng pigsa sa kilikili sa kakapara sa mga kabaong na ito. Swerteng nag menor kasi dahil sa pulang bituin ng katanghaling tapat. Ngunit bago pa man kumislap ang berdeng bituin may sumampa na isang bangkay din pero di pangkaraniwan ang bangkay na ito.


Hindi pandak, pero napakaliit ang lalaking ito. Hindi pa man ako tapos mamimili ng upuan (kung may pagpipiliian man) sa siksikang entrsuwelong ito kasunod ko na agad ang sepulturerong marusing sa likod ko, may tangan na tiket  at naniningil na. Arogante  at sinigawan agad ang lalaking hanggang bewang ko lang ang taas dahil sa pagkatapos ng kanyang bayag ay sahig na agad. Putol ang mga paa ng mamang ito, mula puno ng hita pababa. Marusing din gaya ng sepulturerong may tangan na tiket at naniningil.


Hindi ako naawa sa mamang kapiraso lang ang itsura, kahit pa naglalahad ito ng kanyang mga palad ay humihingi ng abuloy at kumakalabit sa mga nagtutulog-tulugang bangkay sa bawat madaanang siksikang upuan.


Ngumingiti siya tuwing may kinakalabit, ewan ko ba kung anong  nakakapag pangiti sa kanya o baka naman siya ang nakikiliti tuwing ipinangkakalabit niya ang hintuturo niyang kinukulapulan ng tatlong piyeng dumi at dalawang pulgadang putik sa singit ng mga kuko ng hintuturo niyang maitim.


Napapaigtad ang mga nagtutulog-tulugang bangkay na pawang naka pandisenteng pamburol sa tuwing siya’y mangangalabit sabay lahad ng palad, may kasamang usal ng kung anong pagmamakaawa. Habang ang mamang sepulturerong may tangan na tiket naman at abalang-abala sa may kung ilan pang buhay na bangkay na hinahakot tuwing titigil ang mabilis na kabaong sa bawat kanto ng sementeryo. Sigaw ito ng sigaw ng kung anong destinasyon para maakit ang mga nagkukumahog na buhay na bangkay na sumakay sa kabaong.


Malapit nang humarurot ang matuling parihabang kahon na ito sa South Super Highway kaya’t ang mamang sepulturero ay nagpasya nang umakyat sa kabaong at handa nang mag tiket.


 

“ay, tang-ina mo nandito ka pa rin? Kanina pa kita pinababa a—bumaba ka nga dun!”

“putang ina mo din gago! Ang yabang mo a” mabilis na pakli ng mamang ismol.


patagilid kung makatingin ang mamang putol. Kung may mga biyas lamang ito mukha sigurong Robin Padilla ang porma nito sa kanyang astig na asta. Nakakuyom ang mga kamao nito, di ko alam kung dahil sa baryang kanyang hawak na napaglimusan sa lamay o sadya lamang handa niyang sapakin ang sepulturero kahit na di niya abot ito.


“e kung tadyakan kaya kita dyan, tapang mo a---bumaba ka na nga!”

“boy, ano yan?”

“eto pare kanina ko pa pinababa ito nasingitan pa rin ako, tangina mo kapag hindi ka pa bumaba ihahagis kita sa tulay ng Magallanes”


Nanghahaba ang leeg ng mga “nagising” na nagtutulog-tulugang bangkay sa loob ng kabaong. Usyoso, usyoso na. Yung isang manang na nagmamantika ang mukha naaawa, bubulong bulong bakit daw ginaganun ni manong sepulturero yung umakyat na gusgusin at pulubing bangkay samantalang gusto lamang daw mag hanap-buhay nun, mas maigi naman daw yun kesa sa magnakaw.


“pare tama na yan”

awat naman ni kuya na mukha talagang bangkay sa kapayatan niya


“hoy, maawa naman kayo”

Sabi naman ni ate na may suot na napaka seksing mini-skirt na pamburol.


Habang si kuya Kamatayan naman ay inapakan ang selinyador na lalong nagpaharurot sa bulok na kabaong na ito na may mabahong aircon at nanlilimahid na kurtinang checkered. Ang pagbilis ng parihabang kahon na ito ang nagpataranta sa lalaking ga-bewang ko lang na kanina lamang ay daig pa sa kaastigan si Mark Anthony Fernandez at kinupaw ang porma ni Binoy sa Totoy Bato. Nakalimutan niya tuloy na kailangan pala ng paa kung magbabalak kang tumalon mula sa humahagibis na kabaong, pero sadyang makulit si manong sepulturero, nakaumang na ang pala at piko nito para iunday sa kanya at tuluyan na siyang ibaon sa konkretong libingan sa kanto ng Magallanes papasok ng South Super Highway.


Pasalamat na lang at may mga embalsamador pala na nakasuot ng kulay blue mula sa MMDA funeral homes ang nakatambay sa kanto kaya’t si kuya kamatayan ay nag menor bagay na sinamantala ng dalawa. Sinamantala ng lalaking ga-bewang ko lang ang pagkakataon at dali-daling tumalilis sa pa utay-utay niyang gaod ng kanyang mga kamay pantulong sa walang maihakbang--kasi wala ngang paa. Sinamantala din ito ni kuyang sepulturero na may tangan pa ring tiket upang batukan ang malinggit na lalaki habang bumababa. Ewan kung balak niyang magpatawa o gayahin ang mga palabas ng intsik na nagpapatawa sa TV.


Napasubasob ang putot, nabitawan ang mga baryang nakakuyom kanina sa mga kamao nito, sumabog, kumalansing kasabay ng pagtili ng seksing bangkay sa tabi ng pinto ng kabaong. Hanggang dun na lang yun, kasi naka baba na ang mamang putol. Wala nang reaksyon na sumunod maliban sa naiinis na ekpresyon sa mukha ng sepulturero dahilan sa napilitan siyang pagdamputin ng mga kumalat na barya. At nagpaliwanag siya sa litanya ng nagmamabilis na takbo ng kabaong papaliko ng South super Highway.


“dating holdaper at isnatser ang gagong iyon, alam nyo ba. Minsan may hinablot yan na selpon, tumakbo at tumawid ng EDSA Guadalupe, e nahagip ng humaharurot na taxi—ayan kaya putol ang dalawang paa. Ngayon gradweyt na sa pang iisnats namamalimos naman”


Hindi pa man tapos ang requiem sermon ni manong sepulturero, isang malakas na tunog sabay subasob ng mga pasahero ang naganap.


Bumangga ang sinasakyan naming kabaong sa isang sosyal at maliit na kulay puting nitso pagliko ng Highway.


Babaan na ang pasahero, nagmumura, naabala, naiinis kasi mainit nga naman ang araw sa kanto ng Magallanes papuntang South Super Highway maghuhunas ang mga pamburol na make-up nila at maaalikabukan ang pamburol nilang damit. Nagbababaan ang mga nagising na bangkay habang pumapailanlang pa rin ang mala asong halakhak ng isang hitad na bungangera ng love radio, ang opisyal na punebre ng mga kabaong ng EDSA.


Nalingunan ko ang mga naguusyosong bangkay sa paligid habang nag-iisip kung paanong makakasakay ulit ng kabaong. Maliit lang pero napansin ko pa rin si manong putol sa kulumpon ng mga usisero’t usisera. Waring nakangiti at parang nadidinig ko ang inuusal ng kanyang mala-mapang asar na ngisi.


“beee, buti nga…”

 

 

0 (mga) puna:

Mag-post ng isang Puna

salamat sa pag-aabalang bumisita!